Sagutan Ng Tulâ (Myrna Al Aquino & Ed Juan)
Myrna's poem not shown here... Di ko akalain na iká’y makatà, mahilig ka paláng bumigkás ng tulâ, tulad ni Ofelia, mayroong adhikâ, sana’y pagyamanin, itong ating wika. Kung natátandaán, ating nakaraan, mayro’ng balagtasan, programa ng bayan, Antonio Raymundo, ang kaniyáng kalaban, silá’y mahinahon na nagsásagutan. Ako si Eduardo, sa iyo’y humáhamon, ating págbalikán, nágdaáng kahapon, nawá’y sagutín mo, tuláng mahinahon, maghíhintáy ako, kahit na maghapon. Kung gustóng malaman, sinulat na tulâ, kalabitín lamang, kawíng sa ibabâ, akó’y tulad nila, meron ding adhikâ, sundin lamang natin, “Tuldik” ng salitâ. Palátuldikan Ng Wikang Pámbansâ Magandang pakinggan kung nagsásagutan, ang mga makatâ, salitâ’y may lamán, tulad ng sagutan sa mga dupluhan, mga talinghaga, kay hirap malaman. Itó’y aking hilig, mula págkabatà, sa mga dupluhan, ako’y tumútulâ, sa’min sa Bulacan, maraming makatâ, marami rin siláng, tao'ng pinahanga. Ngayón ay gabî na, handâ ng matulog, pagkát akó’y pagód, kalóg na ang tuhod, náglibáng lang akó, at náglaró ng golf, para malimutan, ang Coronang salot. Bukas ang karugtong, nitóng aking tulâ, asahan mong tunay, akó’y magháhandâ, lahát ng sabihin, kong mga salitâ, ating unawain ang bawat talatà. Myrna's poem not shown here... Kung makákita ka ng gawáng masamá, kung kabán ng bayan ay giná-gahasâ, ng namámahala, na mga timawâ, dî ka ba kíkibó, dî magsásalitâ? Aktibista’ng tawag kung magré-reklamo, dî naman radicál, iká’y moderato, gustó lang punahin mga liderato, nitóng ating bayan, at ating gobyerno. Sa ating lipunan, waláng aasahan, na pwedeng mamuno, sa’ting mamámayán, ni waláng makita, na tayo’y gabayán, wala na nga wala, tayong maká-kamtan. Dî tulad nung araw, dekadang sitentâ, panahon ni Marcos, at ni Voltaire Garcia, ng nagká-kaguló, sabáy ang díklará, batas ng marial law, pinátupád nilá. Maraming nakulong, maraming namundók, binago ang buhay, ngunit di rumupók, mga estudyante’y, umuwî’t nagbalót, sa pánsamándalî, dahil silá’y takót. May isáng senador, pumasók sa guló, ang kanyáng pangalan ay Ninoy Aquino, may paní-nindigan, mayro’ng amor propio, ang tanging layunin, gobyerno’y magbago, Sa Crame dinala, mga aktibista, duon ay nakulong, lahát ng nág-alsá, at si Voltaire Garcia, hinuli rin nila, sinabing namatay, dahil sa leukemia. Sayang na talino, ng mga ginóo, hindi pinakinggán ng ating gobyerno, sa halip na sundin ang kanilang payo, ng sila’y mamatáy, bayanî raw kunô. Huwág sanang magalit dito sa’king tulâ, ang mga opisyal, na namámahala, akó’y isáng pobre, na may sadyáng nasâ, makitang umunlád, itóng ating bansâ. Bató-bató sa langit, ang tamaá’y huwág magágalit. tumutulâ ang lingkod n’yo, sapagkát may malásakit. sana’y inyóng pakinggán, itóng hinánakit, aming hini-hingi’y, huwág sanang ipag-kaít.